Miyerkules, Mayo 2, 2012

Ang Aming Black and White Resto Bar

         Marami nang resto bars ang nagsusulputan sa kung saan-saan,tinalo pa nila ang mga kabute tuwing tag-ulan,o mga palaka? O sige pati na rin ang mga nakakarinding kulisap!Hindi naman talaga ako mahilig pumarty party gabi-gabi, may mga tao kasing walang kasawaan sa bar hopping eh. Ginawa ko lang naman minsan iyan,at ang ending hindi ako nakauwi sa bahay namin kaya hindi ko na inulit pa. Umiinom ako! Natural,kung hindi,mamamatay ako sa dehydration. Umiinom ako ng tubig, juice, softdrinks, sige ng matahimik kayo, umiinom ako ng alak. Pero wala akong balak pag-usapan ang mga panahong lasing ako at hindi na maalala kung paano nakarating sa mga lugar na pinuntahan ko, o di kaya nama’y kung paano ako natulog sa kuwartong iyon at kung ano ang mga sinasabi ko. Oo,nangyari na sa akin iyan ,wasted, double wasted, triple at killed! Ang gusto ko lang naman talagang ibahagi sa inyo ay isang usapan namin ng matalik kong kaibigan noong nagiinuman kami sa Iris.
Pag-uusap
Ako: Pinakagusto ko talagang bar sa Orange!
Mark: Oo nga eh,kaso kulob!
Ako: Pangit din sa Purple noh?
Mark: Ang dami ng bar na puro color ang pangalan noh?
Ako: Oo nga!
<katahimikan>
                Sa totoo lang, wala ng nakapagsabi samin ni Mark kung ano pa bang bar ang color ang pangalan,sadyang nagassume lang kami. Na mali pala dahil sabi nga ng instructor namin, “don’t ever assume because it makes an ASS between U and ME”. Kaya huwag na kayong magtaka kung bakit wala nang sumunod sa usapan na iyan.Huwag kayong Assuming!
After 30 minutes
                Oo,alam ko, akala ko rin wala ng susunod doon.
Ako: Kapag ako ang nagpagawa ng Resto Bar, Black and White ang pangalan.
Mark: Gusto ko yon!
Ako: Patayo tayo kapag tapos na tayong mag-aral!
                At siyempre inassume na namin ulit na joke lang ang lahat, at inassume na rin namin na usapan lamang sa harap ng alak iyon. Pero sa totoo lang,isa sa gusto kong negosyo ang Resto Bar. Hindi kasi nawawalan ng umiinom, kumakain at sumasayaw umaga hanggang gabi! Laging may night life! Huwag lang naming maging customer ni Mark ang mga kaibigan namin, dahil siguradong malulugi kami ng maaga. 
        Siya sige, ituloy natin ang plano naming dalawa. Magsimula tayo sa pangalan nito “Black and White”, cliché na kung tutuusin, pero nakakaagaw pansin kasi nga kulay, dalawang kulay pa. Ang pangalan ay simbolismo ng balance,pero walang kinalaman iyan sa business plan namin ni Mark. Sadyang type lang talaga namin ang Black and White.

       Sa loob naman, ang mga gamit namin ay black and white rin, para naman consistent di ba? Pero siyempre hindi naman black and white lahat kasi sa totoo lang,mahirap maghanap ng mga gamit na puro black at puro white. At hindi niyo man aminin,masyadong boring kung black and white lang. Baka mamaya mapagkamalan pang mental hospital ang Resto Bar namin ni Mark. Kaya huwag kayong magtatanong tanong kung bakit may red na bote,green na baso at kung ano ano pa,mag-aral kayo ng art!

                Ang mga susunod na larawan ay hindi sa amin ni Mark,ngunit inspirasyon ito ng itsura ng aming Resto Bar…


Mismong Bar iyan, maganda di ba? Alam ko,kaya nga iyan ang inspiration eh. Ganyang ganyan din ang gusto ko.


Ganyan din ang set-up ng tables at chairs. Huwag kayong mag-alala dahil hindi namin papalitan ng mukha namin ni Mark ang malalaking pictures na iyan,pero upon request puwede rin. Siguro puwede na ang mga pictures noong 50's parang Retro goes Black in White! :) Any suggestions?

Hindi iyan malaking chessboard!Dance Floor iyan!Dance Floor! Pero puwede ring gawing chessboard kung magdadala kayo ng sarili niyong chess pieces.. :)

Masaya ang magplano ng isang negosyo,pero siyempre hindi pa rin namin alam ni Mark kung saan kami kukuha ng puhunan namin. Sabi nila puwede raw magloan, magbombay, magnakaw, mangholdap pero mas malaki kung carnap at kidnap, mas madali rin daw tumakbo sa pulitika tapos mangcorrupt. Pero kung gagawin naming iyong huli, hindi na kami magtatayo ng Resto Bar, magpapatayo na lang kami ng mga lihim na bahay, gagawa ng lihim na bank account at mamamasyal sa iba’t-ibang bansa. J

Martes, Mayo 1, 2012

Panimula :-) Ipakilala ang Machong Maldita

Hindi ko naman talaga hilig ang magsulat sa wika natin,kumpara kasi sa ingles,mas marami akong wrong spelling at wrong grammar sa Filipino (sige,tagalog na rin para sa’yo). Bakit ko naisipang magsulat sa wika natin? Simple lang, wala kasi akong magawa. Bakasyon kasi ngayon at siymepre dakilang tambay ako ng bahay naming,una dahil walang allowance at pangalawa dahil wala naman na talagang mapasyalang bago dito,halos nalibot na kasi namin ang buong Baguio dahil sa kursong kinuha ko, Mass Communication. Di ba? Sa kurso ko pa lang halata ng mahilig akong magsulat, gumala at sige na rin, mg-ingay!
Nitong mga nakaraang araw,napatunayan nga na hindi ko lang naman talaga sinasabing maldita ako,sadyang human nature ko na iyan. Pagkapanganak sakin,maldita na talaga ako. Since Birth! Akalain niyo ba naman kasing habang naglelabor ang nanay ko eh umuulan at kumikidlat sa labas.Isipin niyo na lang,takot ang bata sa kidlat,natural,takot din akong lumabas sa sinapupunan ng nanay ko. Kaso naman itong bading kong doctor,pinilit akong ilabas,siyempre kung maldita siya,aba mas maldita ako! Umiyak ako ng umiyak kahit hindi pa man din niya napapalo ang puwet ko. Sabi ng nanay ko,ako raw ang may pinakamalakas na iyak sa nursery room noon, ako rin daw ang pinakamaingay (na hanggang ngayon naman inirereklamo pa ng mga seatmates ko sa eskuwelahan).
                Hindi rin daw malaman ng nanay ko kung kanino ko namana ang pagmamaldita ko. Minsan daw iniisip na lang niya na recessive gene iyon ng tatay ko,na naging dominant lang sa akin. Minsan din daw iniisip niya na may kinalaman ang pagiging only girl ko sa kanyang mga anak. Oo,magisa akong babae sa aming limang magkakapatid,alam ko ding hindi halata. Hindi ako iyong klase ng malditang nagsusuot ng micro skirt,tube top,halter top,high heels,make-up at kung ano pang arte sa katawan. In short,hindi ako si Barbie!Hindi rin naman ako si Ken!Pero hindi po ako tibo (actually magaapat na taong gulang na ang aking anak) sadyang masaya lang talaga magsuot ng mga damit kung saan ako komportable dahil dakila rin akong galawgaw. Sa tindig,hindi rin naman ako maldita. Hindi pang America’s Next Top Model ang tayo at lakad ko. Hindi ako iyong tipo ng babaeng nakachin-up lagi,iyong tipong mababali na ang likod sa paglalakad dahil sa sobrang taas ng tingin. Sa katunayan nga,laging hinahampas ng nanay ko ang aking likuran dahil daig ko pa raw ang Kampanerang Kuba kung makayoko. Matangkad kasi ako,hindi naman sorbrang tangkad pero alam kong matangkad ako kasi tuwing flag ceremony noong high school nasa pinakadulo ako ng pila. Hindi ko alam kung tama ang logic ko diyan pero talagang kapag Find Your Height ang usapan,sa dulo mo na talaga ako makikita, di bale na lang kung reversed version ng Find Your Height iyan!
                Maldita ako sa pagsasalita, pero hindi ako iyong tipong taglish na magsalita,may nakakairitang accent pa…Tulad ng mga sumusunod na halimbawa, “Ohw My Gawd!”, “Aym gonna take pa may notebook and lapis so ay can meyk my asaynment,you know!”. Wala naman akong problema sa mga ganyan magsalita,pero masakit lang kasi sa tenga ang pagpupumilit nilang magtunog sosyal!Maldita rin ako sa pakikisama sa mga taong sadya rin naming walang pakisama o di kaya nama’y umaastang napakaimportante sa mundo,in short sa mga bastos.
                Ilan lamang ang mga sumusunod sa mga pagmamaldita ko sa iba-ibang pagkakataon.
Scenario #1: sa jeep
Ako: Miss,paabot naman ng bayad.
Babae: (dedma,parang walang narinig)
Ako: Bayad!
Babae: (Dedma pa rin,nakatingin lang sa harap)
Ako: (kinalabit ang kamay ng babae,medyo malakas,mahaba pa man di ang kuko ko,hanggang ngayon di ko alam kung nagasgas ko ba ang maputi niyang balat,pero sa totoo lang wala naman talaga akong pakialam) Sa susunod huwag kang uupo diyan sa dulo kong di ka marunong mag-abot ng bayad sa driver!
Babae: (Inabot ang pamasahe ko)

Scenario #2: sa classroom (hindi ko na papangalanan ang instructor)
Nagring ang cp habang nasa klase ako,tumatawag ang tatay ko (hindi tatawag ang tatay ko kung hindi emergency),nagtaas ako ng kamay para magexcuse.
Ako: Sir,may I go out?I need to take my father’s call cause it might be an emergency (wrong grammar?wala akong pakialam!)
Instructor: You can’t, I’m still lecturing!
Ako: Kaya nga ako nageexcuse di ba sir?

Scenario #3: sa Jack’s Mabini
Nagtaas ng kamay ang kuya ko ng tatlong beses para magtawag ng waiter pero ni minsan walang lumapit o pumansin man lang. At halos 15 minutes na kami sa loob,hindi rin naman ganun kadami ang customers at palakad lakad lang ang mga waiter!
Ako: (taas ng kamay ng bonggang-bongga sabay sigaw) Excuse me! Wala ba talagang magseserve?!

Scenario#4: sa Taxi
Malayo layo kasi sa main road ang bahay namin,may papasukan pa ang mga taxi bago makarating samin at dead end sa dulo. Hindi na bagong may magtanong kung may bubuweltahan ba sila, na meron naman lagi. Isang gabing galing ako sa kung saan,wag niyo nang alamin kung saan talaga!, ayaw ipasok ng driver sa loob,okay lang sana eh kaso sa tapat ng main road,may mga nagiinuman.
Ako: Kuya,puwede bang ibaba mo ng konti sa may store kasi may mga nagiinuman dito.
Driver: Ay naku,ayokong pumasok diyan,walang buweltahan sa dulo!
Ako: Diyan lang sa may store kuya,puwede kang magbuwelta diyan.
Driver: Ayoko!
Ako: Kasama sa service niyo ang ihatid ako sa destinasyon ko,ipapapasok ko ba diyan kung alam kong wala kayong bubuweltahan?Hindi ako bababa dito kung hindi niyo ko ihahatid sa baba!
Driver: Ibabalik na lang kita sa town,kahit huwag ka nang magbayad!
Ako: Eh di ibalik niyo ko sa town, sino bang malulugi? Pakidaan sa police station kuya ha!
Ang ending,bumalik kami sa town,sumakay ako sa ibang taxi na inihatid ako hanggang sa tapat ng bahay namin. Si kuya,may record na sa LTFRB!

Scenario #5: sa classmate (sige,wala na ding pangalan para guess who na lang…haha!)
Ako: Ano pang word ang puwede nating ilagay sa talasalitaan?
Classmate: Diploma!
Ako: Paano mo lalagyan mg meaning iyon,tsaka di ba sabi ni ma’am dapat hindi common words para hanapin natin sa dictionary?
Classmate:Eh ano pang ilalagay natin,may iba ka bang nakikita?
Ako: Lagyan mo ng meaning iyong diploma.
Classmate: Hanapin natin sa dictionary
Ako: Diploma, hindi mo alam ang meaning?!
Classmate: Kasulatan na tanda ng pagtatapos sa isang eskuwelahan.
Ako: Alam mo naman pala ang ibig sabihin eh,ibig sabihin common word iyan!Kasi iyang diplomang iyan,kasama sa sentido komon ng tao! Kung ilalagay natin iyan sa talasalitaan, ilagay na rin natin iyong graduation, toga, estudyante, papel at lapis!

                Alam kong marami pa akong scenario ng pagmamaldita,baka kasi maparami ang binabasa niyo kung ilalagay ko lahat. Siyempre iyong mga kilala ako,alam nila kung gaano talaga ako kamaldita. Wagas din akong makabara na nakasanayan ko na sa mga kasama ko ngayon. Minsan sa sobra kong pagmamaldita at pagiingay,sinasabing isa akong babaeng bakla. Siguro nga ganoon ako pero ito lang ang masasabi ko,kung karapatan mo at kung alam mong tama ka, bakit mo hahayaang matapakan ka di ba?